KL: Philracom Rules, Dapat Ipaalam sa Lahat!

val_jaycee.jpg 

KARERA LANG!
By Jenny Ortuoste for
Tumbok
Thursday, 13 December 2007

Philracom rules, dapat ipaalam sa lahat!

Ang mahalaga sa isang karerista ay ang magkapagpanood ng exciting na karera, na balansiyado ang lineup ng mga kalahok para may mga dehadong lumusot na magbibigay ng matatabang dibidendo. Hiling rin niya na maging malinis at patas ang mga laban.

Upang maipatupad ito, mayroong mga racing rules and regulations na sinusunod upang maging maayos ang pagdaraos ng karera.

Mayroong “club rules”, na patakaran ng bawat racing club. Minsan pareho ito, minsan magkaiba. Nasa management na ng club iyan.

Mayroon ding rules na pangkalahatan; ito ang “Philippine Rules and Regulations on Horse Racing” o “PR”. Ang Philracom ang gumagawa ng mga ito. “Blue book” ang tawag sa librong naglalaman ng kabuuan ng PR.

Sa pagpapatakbo ng karera, lumilitaw ang iba’t-ibang sitwasyon na nangangailangang madesisyunan. Kaya kalimitan, ang patungo nito ay pagbabago o pag-aamienda sa PR.
Nirerebisa ngayon ang PR at ang gumagawa nito ay ang Philracom at stewards ng dalawang racing clubs.

Mga punto: una – bakit hindi isinali sa revision committee ang ibang stakeholders ng industriya tulad ng horseowners, jockeys, at trainers? Hindi ba sila ay diretsong naapektuhan ng PR?

Pangalawa – tuwing gagawa ng bagong rule o pag-aamienda ang Philracom, dapat ito ay pinapabatid sa lahat. Ngunit may kakulangan sa pagkalat ng impormasyon ang Philracom.

Halimbawa, ang mahigpit na pagpapatupad ng weight allowance kapag Philracom stakes races. Maraming horseowner, trainer, at jockey raw ang hindi nakakaalam ng patakarang ito!

Kaya nagkagulo noong karerang Nob.25 sa San Lazaro. Maraming hinete ang hindi pinasakay dahil mabigat sila. Isa na roon si DH Borbe Jr., declared rider ng kalahok sa ECJ Cup na si Drama Belle. Naghanap pa si trainer Tito Alvarez ng kapalit. Mabuti nalang na magaan si Armando Lumagui – siya ang nakasakay at nakakopo ng first prize.

Mas pangit ang naging karanasan ni Philtobo president Nonoy Niles noong araw ding iyon. Mabigat raw ang kanyang hineteng si Val Dilema kaya hindi ito pinasakay sa kabayo ni Mr. Niles na si Champion of Show, na lalaban sa Philracom 2-Year-Old Invitational na may pesong 52 kg. Nai-scratch si Champion of Show dahil hindi makahanap ang pamilyang Niles ng substitute rider.

Ngunit ilang karera lamang pagkatapos noon, pinasakay ng Philracom si Val Dilema sa kabayong Defiant na 52 kg rin ang dala. Ang sabi, nakapagbawas na ng timbang si Val dahil nag-steam (sauna) siya. At pumayag na rin ang Philracom sa extra 500 grams na allowance sa mga hinete dahil kung hindi, halos walang makakasakay dahil puro mabibigat sila.

Ang punto ay, hindi raw alam ng mga Niles (at marami pang ibang owners and trainers) ang rule na ito kaya hindi nila napaghandaan ang sitwasyon na ganoon.

Malinaw na matindi ang kawalan ng komunikasyon rito – sa hindi pagsali ng mas maraming taga-industriya sa revision committee, at sa hindi epektibong pagkalat ng mga patakaran at anunsiyo ng Philracom. Ito’y dalawang ehemplo lamang ng overall breakdown of communication sa pagitan ng Philracom at ibang industry sectors, kaya napakaraming reklamo at hinaing na hindi naririnig at nahahanapan ng solusyon.

Tanong lang – ganoon ba kahirap para sa mga taga-industriya na magkasundo? Na magkausap ng ayos? Kaya ba walang konsultasyon sa mga importanteng kaganapan? Respeto sa isa’t-isa at pagkakaunawaan ang kailangan.

Merry Christmas lang -walang personalan! ***

Photo: Val Dilema receives his trophy for his win on Paramount in the 8th Philtobo Mitra Cup Classic. Viva Hot Babe Jaycee Parker, trainer Joel Mijares, and Philtobo director Marlon Cunanan look on.

Related stories:

Comments are closed.