KL: Real Spicy vs. Drama Belle sa Diamond II

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  11 April 2008, Friday

 Real Spicy vs. Drama Belle sa Diamond Stakes II

Onse ang kalahok, ngunit isa lamang ang maaring maging kampeon. Lahat magagaling, ngunit isa ang lalabas na pinaka-magaling. Ito ang Diamond Stakes II na gaganapin sa Linggo, April 13, sa Santa Ana Park.

Sponsored ng Philippine Racing Commission (Philracom) at bahagi ng kanilang “gemstone” stakes races para sa buong 2008, ang milyang karerang ito ay binansagan ring “2nd leg Imported/Local Challenge”.

Pinaka-aabangan ito ng Bayang Karerista (BK) dahil dito nila makikita muli ang sagupaan nila Real Spicy at Drama Belle. Ang mga pagkakaiba nilang dalawa: si Real Spicy ay lalaki, mas matanda, mas sanay sa laban, at maganda ang showing niya nitong 2008 sa kanyang pagkapanalo ng Amethyst I, Garnet II, at Commissioner’s Cup.

Real spicy # (3)

Real Spicy winning the Amethyst I. (10 Feb 2008, SLLP)

Si Drama Belle: babae, mas bata, bagamat nanalo sa Eduardo Cojuangco Jr. (ECJ) Cup noong 2007 ay hindi pa ganoong-ka-eksperto sa labanan sa stakes race, at dikit lang ang panalo niya kay Million Dollar sa isang regular race kamakailan.

DRAMA BELLE # (39)

Drama Belle floats over the track in a workout during a pictorial at Santa Ana Park. (5 Dec 2007)

Ganunpaman, binibigyan ng BK ng bahagyang kalamangan si Drama Belle sa karerang ito.  Ang ibang kalahok – sina Bumble Bee, Fierce Fighter, Great Emma, La Tienne, Manhattan, Mercurio, Midnight King, Mr. Victory, at Sweet Xarah – although lahat may pag-asa, ay masasabing medyo iba ang kalibre kina Real Spicy at Drama Belle na siyang nakikita nating magiging angat sa bentahan.         

Ayon sa isang Batikang Tipster, “Kay Drama Belle ako dahil nanalo siya sa ECJ Cup. Si Real Spicy naman, matagal nang hindi nakakatakbo. Tingin ko hindi siya ganoon kagaling kapag galing sa mahabang bakasyon. Kahit pa nanalo si Real Spicy ng mga stakes races nitong Enero at Pebrero, magaan lang ang laban niya sa karerang iyon.”

Dagdag pa ni Batikang Tipster, “Si La Tienne, mula noong ibinakasyon at ibinalik, hindi na tulad ng dati ang itinatakbo. Si Fierce Fighter naman, kahit pinakamagaan ang dala sa 53kg, ay agrabyado dahil bata pa sa laban. Wala pang itong napapanalunang malaking premyo. Ang aking piling pang-longshot ay ang ‘giant killer’ na si Sweet Xarah. Ngunit dapat tandaan na karera iyan, at kung sinong ituro ng Itaas ang siyang magwawagi.”

Naglaan ang Philracom ng kabuuang P500,000 para sa premyo – P300,000 sa mananalo, P112,500 sa segundo, P62,500 sa tersero, at P25,000 para sa cuarto.

Karera lang – walang personalan!  ***

Related stories:

Comments are closed.