KL: Shining Fame, Kumislap sa TC3!

KARERA LANG! By Jenny Ortuoste for Tumbok, 5 August 2008, Tuesday

Shining Fame, Kumislap sa TC3!

Nakakasilaw ang galing ni Shining Fame sa kanyang impresibong pagkapanalo sa ikatlong yugto ng Philippine Racing Commission-sponsored Triple Crown championship series na ginanap sa Santa Ana Park noong Linggo, August 3.

Pagkaraan niyang magsegundo via photo-finish sa first leg, at tersero sa second leg,napatunayan ni Shining Fame na pagka may tiyaga, may nilaga. Dahil na rin sa sipag at determinasyon ng kabayo, at ang “never give up” attitude ng kanyang connections, nagbunga ang kanilang hirap at pasiyensiya at ngayon ay nakaluklok na si Shining Fame sa larangan ng mga nagtagumpay.

Noong bumukas ang aparato para sa 2,050-meters na 2008 TC3, nauna agad ang matulin na si Tabako, sinundan ng llamadong Don Enrico, tersero llamadong Shining Fame, Champion of Show, segundo llamadong Incredible Ink, at nasa hulihan si Hieroglyphics.

Sa likuran, pinauna na ni Shining Fame ang ibang mga kalaban, samantalang silang dalawa ni Hieroglyphics ang nasa likuran. Noong nag-paremate na si jockey Jesse B. Guce sa far turn, buong tuling nilagpasan ni Shining Fame ang mga nauuna, at lumayo pa ng five lengths.

Sa meta, apat na kabayo pa ang layo niya sa sumegundong Hieroglyphics. Tersero si Indelible Ink at cuarto si Champion of Show.

Ano naman ang reaksiyon ni Antonio “Tony” V. Tan, may-ari ni Shining Fame?

“Siyempre, masaya tayo,” aniya. Ngunit very humble si Mr. Tan sa gitna ng kanyang tagumpay. “Baka naukol lang sa akin ang mga pangyayari, dahil may iniinda iyong isa. May change-jockey naman iyong isa. Ang mga pangyayari ay naging pabor lang sa akin.”

Napabalita kasi bago ang araw ng karera na may karamdaman si Indelible Ink, at noong raceday, pinalitan ng hinete si Don Enrico – John Cordero imbis na ang kanyang regular rider na si John Alvin Guce, na nagre-recover pa mula sa sakit na dengue. Nao-obserbahan ng karamihan na ayaw tumakbo ni Don Enrico kapag iba ang sakay.

“Lahat ng sumali, magagaling, talaga lang siguro kanya-kanyang panahon,” dagdag ni Mr. Tan.

Mayroon bang special preparation o paghahanda na ginawa kay Shining Fame?

“Ang napabuti na ginawa namin,” ani Mr. Tan, “ay ang paglipat kay Shining Fame mula sa kuwadra namin sa San Lazaro Leisure Park sa kuwadrang malapit sa Santa Ana Park isang linggo bago ng karera upang magamayan niya ang track. Noong unang araw, andap pa siyang kumilos, at ayaw kumain. Tapos nakapag-adjust na siya. Malaki ang naitulong ng stay niya sa PRC.”

Pinuri ni Mr. Tan ang kanyang trainer, si Ruben S. Tupas. “Maayos siyang mag-train at malamig mag-prepare,” aniya. Sinabi niya rin na maganda ang ginawang pagdadala ng kanyang hineteng si Jesse B. Guce.

Ano ngayon ang kanyang mga balak para kay Shining Fame?

“Pahinga muna siya,” ani Mr. Tan. “Kasi tatlong buwang tuloy-tuloy ang trabaho niya para sa Triple Crown. Titingnan ko kung ano ang tatakbuhan niya. Hihintayin ko ang MARHO Breeders’ Cup, at kung sakaling may magandang karera sa December, doon ko siya isasali.”

Ang total time para sa karera ay 2:09.6, kalahating segundo lamang ang diperensiya sa record na 2:09 sa 2,050 meters na hawak ni Real Spicy. Malapit na palang ma-break ni Shining Fame ang record. Ngunit alalahanin natin na maulan at maputik ang araw ng TC3, kaya ganunpaman, malaking achievement ang nagawa ni Shining Fame at maari kung hindi pangit ang panahon, baka nabasag pa niya ang record.

Congratulations sa connections ni Shining Fame: owner Tony Tan, trainer Ruben S. Tupas, at jockey Jesse B. Guce! ***

Related stories:

Comments are closed.