KL: MARHO Breeders’ Cup, Ganda Lineup!

KARERA LANG! By Jenny Ortuoste for Tumbok,  30 October 2008, Thursday

MARHO Breeders’ Cup, Ganda Lineup!

Ito ang pinaka-aabangang racing festival taun-taon – ang Metropolitan Association of Race Horse Owners’ Breeders’ Cup, kung saan nagtatagisan ng galing ang mga sikat na local-bred horses na namamayagpag sa pista.

Naging isang tradisyon na ito’y itanghal tuwing Nobyembre sa Santa Ana Park, at ganoon pa rin itong 2008. November 18 to 23 – Martes hanggang Linggo – ang takdang petsa, at sa araw ng Linggo ibubuhos ang anim na championship races.

Nitong nakaraang Martes ng hapon ginawa ang deklarasyon para sa mga karerang ito, at heto na ang lineup:

Classic, 2,050 meters: El Terrible, Es Twenty Six, Ididitmyway, Music King, Native Land, at Treasured Ack.
Colt Mile, 1,600 meters: Don Enrico, Royal Fair, Shining Fame, Tabako.
Filly Mile, 1,600 meters: Blue Arch, Evita, Lady Lorelle, Love Story, Speed Madonna, Vergara, Victorian Stones.
Juvenile Colts, 1,500 meters: Action Sailor, Chief of Staff, Go Army, Mastermind, True Value.
Juvenile Fillies, 1,500 meters: Blue Ocean, Bonjour, Eternal Flame, French Vanilla, Heaven Sent, Lady Sutter, Rhea’s Gold, Sin Nombre, Sutter Dee Night.
Sprint, 900 meters: EJ’s Magic, Million Dollar, One Man’s Soul, Minsk City, Tiger Song.

Bagamat kakaunti ang sumali sa karera ng colts, bumawi naman sa karera ng mga fillies, kung saan dumagsa ang entries. Naging insentibo sa pagsali ang malaking papremyong inihanda ng MARHO, ngunit hindi lahat ng gusto ay maaring sumali dito, dahil kailangang nominated sa MARHO ang mga kabayo habang sila ay weanling o yearling pa.

Mas mataas ngayon ang premyo kaysa noong nakaraang taon. Itong 2008 ang premyo ay:

Classic: total of P2 million; ang P1.2 million sa first place, P450,000 sa segundo, P250,000 sa tersero, P100,000 sa cuarto. Ang winning Breeder’s Prize ay P100,000.

Colt Mile, Filly Mile, Juvenile Colts, Juvenile Fillies: total of P1 million each; ang P600,000 sa first place, P225,000 sa segundo, P112,500 sa tersero, at P62,500 sa cuarto. Winning Breeder’s Prize ay P100,000 para sa bawat karerang ito.

Sprint: total of P500,000; ang P300,000 ay sa first place, P112,500 sa segundo, P62,500 sa tersero, at P25,000 sa cuarto. Ang winning breeder ay tatanggap ng P50,000.

Ang bawat winning owner at breeder sa anim na championship races ay bibigyan din ng magarang trophy na likha ni glass sculptor Impy Pilapil. Ang tropeo para sa owners ay may imahe ng kabayong pangarera na may hineteng nakapatong, at ang sa breeders naman ay may mukha ng inahen at batang kabayo. Ang mga disenyong ito ay nakaukit sa 3/8 inch kapal na glass na nakabaon sa base na gawa sa puting marmol. Bawat tropeo ay isang artwork na pirmado ng artist.

Kasabay ng MARHO Breeders’ Cup championship day sa Nov. 23 ang Philippine Racing Commission Amb. Eduardo Cojuangco Jr. Cup. Ito’y pareho sa MBC Classic sa distansiya at premyo, ngunit ito’y open race at malamang ang sasali rito ay ang mga imported at island-born na hindi qualified sa MARHO, tulad nila Ibarra, Indelible Ink, La Tienne, Ziraz, at iba pa.

At hindi lang iyon, meron pang Philippine Charity Sweepstakes Office Special Maiden Race sa araw na iyon.

Kaya siguradong dadanak ang aksiyon sa Santa Ana Park sa Nov. 23! Punta na po at panooring live ang mga karera dahil sa first racing week ng Enero, lilipat na ang karerahan sa Trece Martires, Cavite, at ito na ang mga huling hirit sa iiwanang pista.   ***

Related stories:

Comments are closed.