KL: 3rd Jockeys’ Day sa Linggo!

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  9 May 2008, Friday

3rd Jockeys’ Day sa Linggo!

Lalarga na sa May 11, Linggo, ang ikatlong yugto ng New Philippine Jockeys’ Association Inc. (NPJA) Jockeys’ Day racing festival sa Santa Ana Park! Tiyak na exciting ang mga karera nito, lalo’t ito’y binuo ng nag-iisang organisasyon ng professional jockeys sa bansa.

Jocks_mix

Sampu ang pakakawalang karera sa piyestang ito. Ang highlight race ay ang 3rd NPJA Inc. Jockeys’ Day Cup na may guaranteed gross prizes ng P250,000 sponsored by the Philippine Racing Commission (Philracom). Mayroon pang pamimigay na tropeo sa mananalong owner, trainer, hinete, at pati sota (groom).

Magkakaroon din ng walong NPJAI Special Races. Ang lima nito ay sponsored ng host racing club, ang Philippine Racing Club (PRC). Tig-P160,000 ang nakalaan na guaranteed gross prizes dito.

Doon sa nalalabing tatlong special races, mayroong tig-P10,000 na added prize, mula sa Metropolitan Association of Race Horse Owners (MARHO), Klub Don Juan de Manila (KDJM), at Ping-Ping’s Lechon.

Ngunit hindi lang iyon, meron pa! Nag-sponsor ang mga horseowners na sina George Lazarte at Bonifacio Mantilla ng isang Apprentice Jockeys’ Special Race. May added prize na P10,000, at karagdagang P3,000 money incentives at medal sa winning jockey.

Unang beses ito na magkakaroon nitong Apprentice Race bilang bahagi ng Jockeys’ Day festival. Tuwang-tuwa raw ang kasalukuyang batch ng apprentices dahil may espesyal na karera na para sa kanila lamang.

Correct me if I’m wrong, pero sa pagka-alala ko, isa pa lang ang apprentice race na natupad; ito’y noong 2002 or 2003 sa Santa Ana Park, at ang nanalo pa nga noon ay si Annalyn Reloto. Hindi ko na maalala kung sino ang sponsor noon, pero masaya ang event na iyon dahil nagkaroon pa nga ng turnover ceremony sa broadcast (Pro-Ads pa noon), kung saan iniabot ng trainer sa apprentice ang diviza na kanilang gagamitin.

Naging taunang tradisyon na ang Jockeys’ Day races, na pinaka-aabangan ng mga karerista dahil iniidolo naman ng karamihan ang mga hinete na, bukod sa kabayo, ay siyang mga “superstar” sa larong ito.

Jocks_medley

Ngunit ang pakarerang ito ay hindi pang-entertainment lamang. May mas malalim at mahalagang layunin ito. Ayon kay NPJA president Domingo G. Vacal, ang Jockeys’ Day races ay charity event.

“Ang mga proceeds,” aniya, “na magmumula sa racing festival na ito ay mapupunta sa mga disabled na hinete at iyong mga may malubhang sakit. Malaking bagay ang tulong na binibigay ng iba’t-ibang sektor ng industriya, at lubos ang pasasalamat namin sa kanila.”

Dagdag ni Vacal, ” Inaanyayahan namin ang Bayang Karerista na manood at suportahan ang mga karerang ito, na para naman sa ikabubuti ng mga nangangailangang hinete.”

Pinasasalamatan ng NPJA ang kanilang sponsors: Chairman Atty. Joy Rojas at Commissioners ng Philracom; Executive Vice-President and COO Atty. Ramon Ereñeta at Racing Manager Dan Valmonte ng PRC; Mayor Benhur Abalos, MARHO president, at ang mga Directors ng MARHO; Jun Almeda, KDJM president at ang mga directors nito; Ping-Ping’s Lechon management; Mayor Isagani Pascual; at horseowners Hermie Esguerra, Boy Mantilla, George Lazarte, at Tek Heng Chua.

Karera lang – walang personalan!   ***  

Most photos by Roel Taripe; Photoshop collage by gogirlracing

Related stories:

Comments are closed.