KL: MARHO Week, Matagumpay!

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  25 November 2008, Tuesday

MARHO Week, Matagumpay!

Pagkaraan ng higit tatlong buwang paghahanda, nairaos ng matagumpay ang ika-treseng pagtatanghal ng MARHO Breeders’ Cup Championship Races sa Santa Ana Park, Makati City, noong Linggo.

Isang buong linggong pakarera – Martes hanggang Linggo -ang pinang-sorpresa ng Metropolitan Association of Race Horse Owners (MARHO) sa mga miyembro nito at sa mga racing fans. Pinag-isipan ng mabuti ng handicapping team ang mga karera, hindi lamang sa lineup, o mga kalahok, kundi pati ang paglatag, o ang pagsunod-sunod ng mga karera sa programa.

Patok ang performance ni Go Army sa Philippine Racing Commission-MARHO Breeders’ Cup Juvenile Colts race. Halos nakapigil lang si jockey Jonathan Hernandez sa ibabaw ng pinakamagaling na 2YO colt sa kasalukuyang season. Banderang tapos itong nanalo. Tuwang-tuwa siyempre si Hermie Esguerra dahil nakopo niya ang parehong tropeo para sa owner at breeder.

Sa Philracom-MBC Juvenile Fillies, banderang tapos ang paboritong Heaven Sent, bred by MARHO director Jose Mari Franco. Sa Santa Ana Park-MBC Colt Mile, bakbakang matindi ang naganap kina Shining Fame at Don Enric ngunit nanaig pa rin ang 3rd leg Triple Crown winner na si Shining Fame.

DSC_0207

John Alvin Guce dismounts from Heaven Sent after winning the Philracom-MBC Juvenile Fillies championship.

Si Blue Arch ang nanalo sa Andok’s-MBC Filly Mile,  owned and bred by former MARHO president Aristeo “Putch” Puyat. Si EJ’s Magic, owned by Vangie Jose and bred by Herma Stud ang nanalo sa PCSO-MBC Sprint, at si Es Twenty Six naman, owned by Nery Sunga and bred by Sandy Javier sa San Miguel-MBC Classic.

Sa Philracom Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup, nilampaso ng island-born na si Ibarra ang  mga kalaban, at nagpanhik ng first prize na P1.2 million sa kanyang may-ari, MARHO president and Mandaluyong City mayor Benhur C. Abalos. Ang nag-abot sa kanya ng tropeo ay si Enrique “Henry” M. Cojuangco, kapatid ni Amb. Cojuangco.

Overall, naging successful ang event. Ang gross sales para sa araw ng Linggo ay P43.8 million – nahigitan ang 2007 sales na P41.6 million. Ang gate attendance ay record-breaking din.

Ngayon lang din nangyari na nag-carryover mula noong Sabado ang parehong Winner-Take-All sets to Sunday. Kaya ang first WTA noong Sunday ay umabot ng P7.3 million. Mataas rin ang WTA second set, na nag-gross ng P3.3 million, samantalang ang average ay nasa P2.2 million lang.

Naging espesyal ang okasyon dahil sa pagdalo ng ABS-CBN talent na si Jacq Yu, na gumaganap sa palabas na “Pieta”. Siya rin ay cover girl ng November issue ng FHM magazine.

Jacq_pam_sarah

Jacq Yu, Pam Perlas, Sarah Polverini

Ayon kay MARHO chairman Leonardo “Sandy” M. Javier Jr., mas maraming activities ang planado ng MARHO para sa 2009, ang ika-35 anibersaryo ng organisasyon. “Maaring magkaroon ng  monthly races ang MARHO,” aniya, “at may iba pa kaming sorpresa para sa mga racing fans na pinaplano na namin ngayon.” Nagpasalamat din siya sa bayang karerista sa kanilang suporta.

Ganoon din ang pahayag ni MARHO president Benhur Abalos. “Salamat lahat ng sumuporta ng MARHO Breeders’ Cup, ” aniya. “Dahil sa pagtangkilik ninyo, naging matagumpay ang event.”

Binanggit rin ni Mayor Abalos ang papalapit ng paglipat ng Philippine Racing Club sa bagong pista nito sa Trece Martirez, Cavite. “Historic occasion ito kung saan naging bahagi ang MARHO sa mga huling araw ng PRC sa makasaysayang pista na mula 1937 pa.”

Abangan ang mga pakulo at pakarera ng MARHO sa darating na taon. Karera lang po!   ***

Related stories:

Comments are closed.