KL: Malaking Karera, Larga Na!

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  27 November 2008, Thursday

Malaking Karera, Lalarga Na!

Bagamat tapos na ang matagumpay na MARHO Breeders’ Cup championships racing festival, marami pang mga malalaking karera ang magpapasaya sa Bayang Karerista sa mga darating na linggo.

Kasama na rito ang National Press Club race sa Dec. 5, Philippine Charity Sweepstakes Office Presidential Gold Cup sa Dec. 7, at Philtobo Mitra Cup racing festival sa Dec. 21, lahat sa Santa Ana Park.

Sa San Lazaro Leisure Park naman gaganapin ang Philippine Racing Commission Juvenile Championship. Binago ang distansiya nito. Mula milya o 1600 meters na tradisyonal na haba nito, ginawang 1500 meters nalang ito ng Manila Jockey Club dahil hindi pa raw ayos ang kanilang outer track na siya lamang ang nakaka-accommodate ng milyang distansiya.

May mga nag-react na horseowners dito, dahil dati-rati milya talaga ito, at ito raw kasi ang panahon na ang mga juveniles ay nagbabatak na para sa Triple Crown next year, at naghahanap talaga ang mga trainers at may-ari ng longer distance races.

Pero ano nga naman ang magagawa kung hindi pa ayos ang pista ng SLLP? Mahirap namang ilipat ito ng venue dahil hati sa SLLP at SAP ang mga Philracom stakes races, at sa SLLP naka-schedule ang naturang championship. Naintindihan naman ng mga horseowners ang sitwasyon.

Samantala, ano ang maari nating masaksihang karera sa 2009? Kasama sa mga plano ng industriya ay ang 35th anibersaryo ng MARHO (Metropolitan Association of Race Horse Owners) at Philracom, na parehong itinayo ni Amb. Eduardo M. Cojuangco Jr. noong 1974.

Malamang ang MARHO ay magpapakarera ng kanilang Founders’ Cup bukod pa sa Breeders’ Cup. Kung kakayanin at may sponsors, magkakaroon din ng MARHO members’ premium races kada buwan.

Ang Philracom naman ay may tentative stakes races calendar for 2009 kung saan bawat buwan ay may “birthstone” races. Pinag-iisipan rin nilang ibalik ang Grand Derby at iba pang malalaking karera.

May balita rin na baka buhayin ang Gran Copa de Manila races, na naging institusyon na sa Manila Jockey Club noong ito’y nasa Tayuman pa. Ngunit noong lumipat ang MJC sa SLLP, isang beses lang ginanap doon ang Gran Copa. Iminumungkahi ng magkapatid na Cong. Amado S. Bagatsing at Atty. Dondon Bagatsing, mga anak ng yumaong Manila  mayor Ramon D. Bagatsing na isang matibay na taga-suporta ng Gran Copa noong araw, na ibalik ang tradisyon na ito.

Karera lang – walang personalan!   ***

Related stories:

Comments are closed.