KL: Paglipat ng PRC, Tuloy Ba?

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  4 December 2008, Thursday

 Paglipat ng PRC, Tuloy Ba?

Matagal nang balita sa karera na lilipat ang Philippine Racing Club mula sa Santa Ana Park na pista nito sa Makati City sa bagong-gawang karerahan nito sa Saddle and Clubs Leisure Park sa Trece Martirez, Cavite City.

Ayon sa mga taga-PRC na rin, ang target date ng kanilang paglipat ay pagkatapos ng Philtobo Mitra Cup championships sa Dec. 21, at ang first day of racing daw doon ay sa Enero 6.

Ngunit wala pang pormal na pahayag na binibigay ang pamunuan ng PRC tungkol sa mahalagang isyung ito. Bakit kaya?

Ang paglipat sa Trece mula sa pista sa Makati, na itinayo noong 1937 pa, ay hindi basta-bastang magagawa. Napakaraming ie-empake at bibitbiting gamit na dadalhin mula sa kinaroroonan nito papunta sa napakalayong lugar na lilipatan nito. Ang starting gate nalang, isang dambuhalang equipment – paano kaya ito maibubuhat? Well, kung nagawa ng Manila Jockey Club na pati sinaunang gola ilipat mula Tayuman sa Carmona, Cavite, kaya rin ito ng PRC. Pero hindi madali ito.

Bukod sa logistics at physical challenges ng transfer, naroon din ang impact na mararanasan ng mga taong nagtatrabaho sa karera, at pati ng mga kabayo na ibi-biyahe ng malayo at ilalagay sa mga cuadra na hindi nila gamay. Siguradong maninibago sila at mangangailangan ng kaunting panahon upang masanay sa kanilang bagong bahay.

Alam ito ng lahat. Ngunit ang paglipat ay hearsay pa lang dahil wala ngang pormal na aviso mula sa Club.

Kaya ba parang wala pang may gustong lumipat?

Matagal nang alam ng mga horseowners, trainers, at madlang taga-industriya na magta-transfer at di na paaawat ito. Pero parang walang kumikilos. Ang dami pa ngang nagtatanong, “Tuloy ba ang lipat sa Trece? Kailan?”

Oo, maraming nang nagpagawa ng cuadra sa Trece. Ngunit nasa finishing pa ang ilan nito at wala pang balita na may lilipat na doon pagkaraan ng Dec. 21.

Marami sa atin ang nakaranas nang lumipat ng bahay. Hindi ganoon kadali ang proseso, ‘di po ba?Ano pa kaya ang kanilang hinihintay? Pasko?

Ay, siya nga. Magpa-Pasko na nga pala. Baka ito’y palilipasin muna bago pag-isipan ang pagbunot ng isang buong komunidad/mundo/kultura sa naging kandungan nito ng higit 71 taon.

Karera lang – walang personalan!   ***

Related stories:

1 Comment on KL: Paglipat ng PRC, Tuloy Ba?

  1. NiHAWmA
    5 December 2008 at 5:08 pm (3272 days ago)

    Makasaysayan ang pista ng Santa Ana. Sa kauna unahang pagkakataon ay nakakita ako ng babae na nakasakay sa kabayo. Katulad ni Lotis Key.

    Mga kabayong ILOCOS KING, KINGRICK, REPORTER, NEWSBOY, MISS GULLIVER, NAGLA D QUEEN, NIC’S STAR, PERSIAN EMPIRE, SEA SOVEREIGN, NEPTUNO, RED FANTASY, MAGULO JOE etc. etc. ay isa sa mga sumikat. PERO ……..ang hindi ko makakalimutan ay ng madapa o natalisod si TOP D’ WORLD, a few meters left towards the finish line.

    Ang grabeng pagkakahulog ni El Maestro jockey Jesus Guce kay Split Decision.

    Sa pista rin ng Santa Ana, nakita ko ang kauna unahang babae na magiging apprentice rider at ineensayo niya ang kabayo ni Comm. Nicky Jacinto na si ALAMAT. Isang maliit na kabayo na may magandang white band sa mukha. SINO KAYA YUN?