KL: Dec. 24 MJC Karera, Bakit Kanselado?

There was no issue of Tumbok for 25 Dec. 2008, Christmas Day.

KARERA LANG!  By Jenny Ortuoste for Tumbok,  26 December 2008, Friday

Dec. 24 MJC Karera, Bakit Kanselado?

Maganda ang panahon noong umaga ng Dec. 24, bisperas ng Pasko. Malamig ang simoy ng hangin at kubli ang sikat ng araw sa likod ng mapuputing ulap. “Parang Baguio pag summer!” ani ng iba. Masaya ang karamihan sa paghahanda para sa Noche Buena. At kahit ang ilang opisina ay may pasok pa, tulad ng mga bangko at government offices, maraming pribadong negosyo ang nagsara na noong araw na iyon.

Ang mga masugid na Bayang Karerista ay nag-aaral na ng programa para sa mga karerang  naka-schedule na mag-uumpisa ng  6:15pm sa San Lazaro Leisure Park ng Manila Jockey Club. Handa na rin ang mga taga-karera, mula stewards hanggang  starting-gate boys, upang siguraduhin na magiging maayos ang pagtakbo ng karera.

 Ngunit nagulat nalang ang ibang taga-industriya ng 10am nang kanilang mabalitaan na biglang nagpahayag ang MJC management na kanselado na ang karera. Ang dahilan raw nito, ayon sa isang staff ng MJC, ay upang mabigyan ang mga mananaya ng panahon na idaos ang Christmas Eve kasama ang kanilang pamilya. Ayon sa ilan, inanunsiyo ito sa broadcast bandang hapon na.

Hanggang 430pm nga, may mga tumatawag pa sa aking mga mananaya (paano ba nila nakuha ang number ko?) na nagtatanong kung totoo bang kanselado ang karera. Noong sinabi kong, “Wala po,” ang sagot nila ay, “Bakit wala? E may programa na, ah!”

Nagpaliwanag pa ako na nasa discretion ng club management iyon kung  itutuloy nila ang karera o hindi. Kahit ba may nabuo nang karera at nailathala nang programa, maari pa ring kanselahin ang karera kung sa tingin ng pamumuno ng karerahan na ito ay kinakailangan o may ikabubuti ito.

Ngunit nagtaka rin ako dahil ngayon lang sa aking pagkakaalam na nakansela ang karera ng Dec. 24 sa ganitong kadahilanan. Parati, ang karerang Dec. 24 ay pinakaaabangan dahil walang karera kapag Dec. 25, Araw ng Pasko. Nakakansela lang ang karera kapag ubod ng sama ng panahon, kung may mag-strike (tulad ng ginawa ng mga hinete around ten years ago),  o di kaya may technical difficulty sa conduct ng karera, tulad ng kawalan ng broadcast/totalizator  na nangyari sa MJC rin earlier this year.

Ayon sa ilang MJC staff at isang Class A rider na may sakay sana noong Dec. 24, ang balita ay, nadismaya raw ang mga tellers nang malaman na ang karera ay mag-uumpisa ng 6:15pm pa. Dati-rati, ito ay simula sa umaga upang makauwi ng maaga ang mga tellers, racetrack personnel, at mananaya.

Diumano raw, hindi rin nagustuhan ng mga horseowners at trainers ang schedule; noong nagdeklara raw sila, walang nakasulat na oras ng karera sa copia, kundi “to be announced” lang.

Bakit naman inischedule ng MJC ng ganoong oras ang karera ng Dec. 24?

Ang naging rationale daw nito ay ang hindi pag-declare ng Pangulong Gloria M. Arroyo ng isang working holiday ang Dec. 24. Kung may pasok pa ang mga tao, at umaga ang umpisa ng karera, baka nga namang walang pupunta sa mga OTBs upang manaya. Kaya raw nagdesisyon ang MJC na gawing 6:15pm ang start time.

Ngunit dahil  nga sa mga reklamo ng mga tellers at owners/trainers, minabuti nalang daw ng MJC na ikansela ang karera.

‘Yan ang kuwentong karera ni Lola Jenny para sa araw na ito.

Masayang Pasko at Mapayapang Bagong Taon sa inyong lahat! ***

Related stories:

1 Comment on KL: Dec. 24 MJC Karera, Bakit Kanselado?

  1. NiHAWmA
    29 December 2008 at 2:59 am (4206 days ago)

    Kung ano po talaga ang … TUNAY NA DAHILAN ay yan ang hindi natin alam.

    Kapag kinahon ang taya ng bayang karerista ay luhaan sila. Kapag naman natayaan ang isang kabayong tulog ay luhaan pa rin sila.
    PATI PA BA NAMAN SA MGA NABILING PROGRAMA AY LUHAAN PA RIN.

    Ang dapat ay IBALIK ANG PERANG IPINAMBILI NG PROGRAMA o di kaya palitan. Walang kalaban laban ang mga nagsipagbili. Ang mga nagiimprenta ng programa ay nakikinabang ng maraming panahon, NARARAPAT LANG na palitan dahil minsan lang kung ikansela ang karera na nakapagimprenta na sila. Halimbawa may parating na bagyo. Welga.